Regla sa Buwan ng Hunyo
RegLa sa BuwaN ng hunYo (R. MabangLo)
lakas na umaahon sa sinapupunan,
init na sumusubo, dumadaloy, umiigkas,
kusang lumalaya't lumalayaw
kahit na sinusupil,
dumadanak at bumabakas
hatdan man ng hilahil.
Pagbigyan ang pwersang ito--
ito:
kabuuan ng lahat kong pagkatao,
kabuuan ng kaibhan ko't pagkakatulad
sa lahat ng tao,
kabuuan ng naimpok kong alaala't
ginagastang kasalukuyan
kabuuan ng kinabukasang isinasanla
sa kalendaryo.
Pagbigyan ang pwersang ito--
hayaang magmapa sa talaan
ng utang ko't pautang,
hayaang maglimbag ng sagutin ko't
pananagutan:
sa sarili, sa angkan at sa lipunan:
hayaang magbadya
ng karaingan ko't pangangailangan,
ngayon,
habang nilalason ng maraming kabaro
ang itlog at semilya
at binubulok naman ng iba
sa sansupot na goma
ang bunga ng pag-ibig at pagtatalik.
Ay, anong kilusan, martsa't litanya
upang mapuksa ang sanggol
nang buong laya?
Ilang liblib na klinika, basurahan at
kubeta
ang pag-iimbakan ng kapusuka't sala?
Kahit ang ampunang nagbobodega
ng pananagutang itinatwa
may sumbat ng kalikasang
di matatakasan.
Pagbigyan ang pwersang ito--
ismiran ang humuhugot na kirot,
batahin ang hagupit
habang tinatanggap, tinatanggap
ang katuturang
pumapaso sa pagtigmak.
Ito ang pagtagay sa Hunyo
sa kalis ko--
nobya,
asawa,
kerida,
o kahit ng bayarang tagapagpaligaya:
ito ang testamento, ang kontrata, ang
sumpa:
ito ang saligan,
ang kahulugan at kahungkagan
ng buhay at pag-iral.
Pagbigyan,
ito,
ang agos ng madlang pagsulong--
hininga ng pag-asa
ang namimilapil dito.
No comments:
Post a Comment